Babala: Isa itong madamdaming akda.
Nais ko magbigay-pugay sa ika-116 na taon ng Kalayaan ng Pilipinas. Sa araw na ito ay mararapatin ko na ilathala sa wikang Tagalog ang aking akda sa blog na ito.
Muling nagmula ang pagbabalik-tanaw sa makulay na kasaysayan ng Pilipinas sa isang tasang kape. Sa higit dalawang dekada na laman ng diwa ko ang mga mensahe ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo, patuloy pa din ako nagtatanong tungkol sa tunay na lunas ng kanser ng lipunan at kailan ito tuluyang masusugpo. Mga malungkot na tanong...na tuwing tinatanong ko sa sarili ko, hindi ko maiwasan na mangilid ang luha sa aking mga mata. Kagaya ng marami sa ating mga Filipino, mahal ko ang Pilipinas. Mas pinili ko ang manatili dito dahil inaasam ko na kahit paano ay makakatulong ako sa pagbangon nito. Anong petsa na nga ba ulit? Ano na ang nangyari?
Mukhang kulang pa din ang pagboto nang maayos, kung marami naman sa mga kababayan natin ang patuloy na nagbebenta ng boto sa mga tiwaling politiko. Lima hanggang isang libong piso na halaga ng bawat boto para sa pansamantalang pagtawid sa gutom, na ang kapalit naman ay ang milyung-milyong buwis ng mga manggagawang Pilipino na sana ay nailaan sa pagsulong ng mga programang pang-edukasyon, pangkabuhayan, at imprastraktura.
Nakakapagod na din na buwan-buwan na magbayad ng wasto at tamang buwis, gayong talamak naman ang pagnanakaw ng mga ilang tiwaling opisyal ng gobyerno sa ilan or maaring bawat sangay nito.
Nakakasawa rin ang pagbali sa mga panuntunan at batas na magbibigay proteksyon sa interest ng mga mamimil, pati na rin ng kalikasan; ang patuloy na mentalidad ng ilan nating kababayan na iasa sa gobyerno ang pagbibigay ng tahanan at kuryente gayong hindi naman sila nagbabayad ng buwis, o ang pagtira sa mga pangunahing daluyan ng tubig na nagiging pangunahing sanhi ng malawakang pagbaha.
Tuwing lumalabas ako ng ating bansa, lagi kong baon sa isip ko ang Pilipinas...na tila dumadalas na hindi ko na ito maiwasan ikumpara sa iba. Bakit ang ibang bansa maunlad, tayo hindi? Gayong mayroon naman tayong kapasidad na tulungan ang ating mga sarili?
Hindi ako maka-kaliwa, ngunit nanatili ako mulat sa mga pangyayari sa lipunan na aking ginagalawan. Ngunit sa pagkakataon na ito gusto ko lamang ipahayag na pagod na ako magpagnakawan ng buwis, mapagkaitan ng mga pangunahing serbisyo publiko at imprastraktura, na makakakita ng maraming kababayan natin ang naghihirap pa din at tila mas nanaisin ng ilang politiko na manatili silang mangmang, mabagal na pag-usad ng hustisya, ang malawak na pagkasira ng ating kalikasan - na tila napapansin lamang kapag nagdaan na ang isang kalamidad.
Sana naman hindi ako naging masokista para ilagay pa dito ang larawan na ito mula sa Philippine Daily Inquirer, nailathala nito lamang mga nagdaang araw. Sapul na sapol sa kanser na matagal nang iniinda ng lipunan. Malala na talaga. Kung ang kape na nasa harap ko ngayon ay isang alak o gamot na makakapagpamanhid sa akin...oo, kape pa!
photo grabbed from http://www.inquirer.net from the article http://newsinfo.inquirer.net/609893/42-graft-raps-filed-vs-estrada-enrile-revilla-napoles |
No comments:
Post a Comment